Tuesday, May 19, 2009

Sa LRT

LRT Stations



Nitong mga nakalipas na araw, madalas akong wala sa bahay. Subsob sa pagrereview, hindi alam kung may kabuluhan ba ang ginagawa. Hayaan ninyong maibahagi ko sa inyo ang iba't ibang mukhang madalas tumatambad sa aking mga mata.

Sa LRT (labas). Unang-una yan. Pagkababa mo palang ng sasakyan sa tapat ng KFC, tatambad na sa iyo ang pagkahaba-habang pila para sa inspeksyon. Tapos ang sunod sa eksena ay yung mga namimigay ng dyaryo sa umaga. Isang beses lang ata ako kumuha ng dyaryo at dahil yun sa laki kong pagkagulat sa front page-"Aling Dionisia, pinagkaguluhan sa Tate". Sunod dyan ay yung pag-unahan ng mga pasaherong makabili ng ticket pra di maiwan nung tren. Swerte ko nalang at may card ako kaya 'di ko na kailangang bumili.

Sa LRT (loob). Ayokong umuupo ako kapag nasa loob na ako. Bukod sa siksikan ang mga tao, instant halu-halo na rin ang amoy. Kaya madalas akong nakapuwesto dun sa sliding door para magmasid. Habang umaandar ang tren, madidinig mo ang operator: "Paalala lamang po sa mga pasahero, humawak pong mabuti sa mga safety handrails, iwasan po ang pagsandal sa magkabilang pinto ng tren at paghawak sa mga emergency devices, at pag-ingatan po ang gamit lalo na ang magnetic card na gagamitin sa paglabas ng istasyon. Maraming Salamat. Magandang Uma---ga! Next Station: 5th Ave. Ayan, kabisado ko na.

5th Ave. Napansin ko ang isang mama na may ubo. At may laman ang kanyang ubo. Nagsimula na akong mairita nang mismo sa likod ng ulo ko siya umubo at hindi man lang tinakipan ang bibig. Mas lumala pa ang mga pangyayari ng huminto ang tren sa susunod na istasyon.

R. Papa. Pagkabukas ng pinto, pinapasok muna niya ang mga sasakay, sunod ay tingin sa kaliwa't kanan, sabay dura ng malapot na likido galing sa kanyang bibig. Sabay baba ng tren.

Abad Santos. Napagod ako. Kaya minabuti kong umupo muna sandali at basahin ang dyaryong kinuha ko.

Blumentritt. May isang lalaking Koreano (pero di siya ganun kagwapo) ang napatapat sa akin. Sa aking ispekulasyon, nakainom ang sintu-sinto. Nang magsimulang umandar ang tren, may konting pagkagulat na nangyari, sabay hawak sa poste, habang nakatapak sa bago kong sapatos pero napansin naman niya yun kaya agad din niyang inalis ang kanyang paa.

Tayuman. Napansin ko ang isang babaeng kakasakay pa lamang. Sa di sinasadyang pangyayari, naapakan niya ng naka-12 inch heels na isa bang babae, dahilan para madapa ito at pagtawanan (pasikreto) ng iba. Dun na nagsimula ang Cold War. "Ay, ano ba yan. Tumingin ka nga sa tatapakan mo. Buset," sabi ng biktima. Pasigaw, "Eh tarantado ka pala eh. Alam mong siksikan dito tapos nagawa mo pang magreklamo. @#^%*8*!," ang reply ng suspek. Buti na lang atagad itong naaksyunan ng babaeng guard at pareho silang pinababa sa istasyon.

Bambang, D. Jose, Carriedo, Central, at UN. Mga istasyong madalas akong tulog kaya walang alam sa kung anuman ang nangyayari sa paligid. Ang alam ko lang lagi kapag nandito ang tren-"Malayo pa."

Pedro Gil. Dito kami laging natatawa ng mga kasama ko sa tuwing madadaan namin ang PWU (Philippine Women's University). Kapag nadadaanan namin ang unibersidad na ito, madalas kaming tatawa ng malakas. Hindi kami mga baliw. Sadyang malakas lang ang trip dahil tatambad sa iyo ang pagkalaki-laking tarpaulin ni Boy Abunda bilang isa sa mga Outstanding Alumni ng nasabing paaralan. O diba, nakakatawa naman talaga kung bababawan mo ang iyong pag-iisip. :)

Quirino. Ang eksena, may isang Kano na nakikipag-usap sa isang bading. Tila sila bulubundukin at karagatan yata ang pagitan nila sa isa't isa dahil sa lakas ng kanilang pag-uusap. Siyempre, sino ba ang pinoy na hindi proud na magaling siyang mag-ingles? "How do you fine Filipins?," tanong ng bading. "Oh, one word! Beautiful!," ang sagot naman ng Kano. Nagpatuloy ang kanilang pag-uusap, dahilan para maging center of attraction sa buong tren. Di nagtagal, bumaba din ang bading sa Vito Cruz at maayos na nagpaalam sa Kano. "Nice meeting you!," sabay baba ang bading. Pagkababa nung bading at nang nakita nung Kano ung sign board na Vito Cruz, "Oh Vito Cruz! This my destination, too." Nagtawanan naman ang mga naroroon na nakarinig sa kanya. "Naku, magkakilala un. O baka sinundan yung bading!," sabi ng isang lalaki sa likod ko.

Hanggang sa muli.

1 comment:

  1. pinakanakakatawa dito ung sa may quirino.. haha.. tapos ung sa ibang station, ganyan naman usual na nakikita natin. haha..

    ReplyDelete