Thursday, August 20, 2009

Bisikleta

Sa apat na taong pagkakakilala natin sa isa't isa, apat na taong pagkukulitan at pagtawa, apat na taong pag-iiyakan at tampuhan, apat na taong pagsasama at pakikipagkaibigan, natutunan ko nang sumakay sa iyong bisikleta.

Iba ang pakiramdam sa tuwing pinagmamasdan kita. Para bang hindi ako mapapagod na ipako ang aking tingin sa mga mata mong nakasisilaw ang kislap at sa mga labi mong tila langit kung madampian. Sa tuwing magkasama tayong dalawa, hindi ko maiwasang pangarapin na sana, ako na lang ang taong kasama mo sa bawat araw ng iyong buhay, yung taong nakapagpapasaya sa'yo, yung nag-iisang dahilan ng ngiti sa iyong labi at kislap sa iyong mga mata, yung taong kinukuhanan mo ng lakas at inspirasyon sa bawat pagsubok sa iyong pagdaan, yung taong espesyal sa iyo...yung taong mahal mo. Sana, ako na lang ang angkas-angkas mo sa iyong bisikleta. Sana.

Sinubukan kong sakyan ang bisikletang inakala kong makapagbibigay ng kilig sa iyong buhay. Sinubukan ko, ngunit "nasemplang" ako. Nasugatan ako. Ang lakas ng pagkabagsak ko. Dala ng sakit, hindi ko namalayang may mga luha na palang tumutulo sa aking mga mata. Oo, napaiyak mo ako. Nadurog mo ang puso kong bato, para sa iba. Ang lakas pala ng impact, tumilapon ako. Siguro, masyado akong nagmadali. Masyado kong binilisan ang pagtapak sa mga pedal. Nagpadalus-dalos ako sa pagmamaneho. Hindi ko naisip na hindi ka pa pala handa. O mas masakit pa, hindi ko naisip na...hindi pala ako ang taong ninais mong makasabay sa iyong bisikleta.

Mula noon, sinubukan kong bumangon mula sa pagkakadapa. Sa awa ng Diyos, kinaya ko. Tinanggap ko kahit masakit. Niyakap ko na lang ang lahat ng sakit na dinulot ng aking mapag-ambisyong puso. Sino nga ba ako para pangahasing makapiling ka. Oo nga pala, nalimot ko, hanggang magkaibigan lang pala tayo. Wala nang mas hihigit pa, hanggang magkaibigan lamang!

Nagpatuloy ang takbo ng ating mga bisikleta. Nagpatuloy ang ating pagkakaibigan at ito'y namunga sa isang matibay at matatag na pagsasama bilang matalik na magkaibigan. Ikaw ang nagpundar sa matayog at matibay na gulong bilang pundasyon, at ako naman ang naghawak sa manibela ng ating bisikleta. Ikaw ang may hawak-hawak ng busina...busina para basagin ang salamin sa pagitan nating dalawa.

Naging maganda ang takbo ng ating bisikleta. Ngunit sa isang banda, hindi natin maiwasang madaanan ang mga lubak-lubak na kalye't pasilyo.

Hindi na ako natuto. Bakit nga ba hindi ko mapigilan ang sarili kong mahalin ka, kahit na alam kong masasaktan lamang ako? Baliw nga talaga si Cupido. Sa kabila nito, nagagawa ko namang higpitan ang hawak sa manibela, at kung sadyang malubak ang daanan nating dalawa, tinotodo ko ang pagpreno sa ating bisikleta. Ikaw naman ang humaharurot sa pagbusina upang basagin ang kung ano mang sa tingin mo ay hindi tama sa ating dalawa.

Sa ngayon, masasabi kong nalagpasan na natin ang mga kalubakan. Masasabi kong maayos na ang takbo ng ating bisikleta - walang lubak, diretso at hindi paliu-liko, may mga "humps" man ngunit sadyang matibay ang pundasyon ng ating bisikleta. Masaya ako na ako sa ganitong pwesto.

Nais ko lang ipaabot ang aking pasasalamat. Marami akong natutunan. Natutunan ko ang tamang pagsakay at pagmaneho sa bisikleta ng iba, lalo na sa sarili kong bisikleta. Salamat...salamat sa pagpapasaya, pagpapalakas, at sa pinagsamahan nating dalawa. Sana ay hindi mo malimot na sa bandang sulok ng iyong paglalakbay, ako yung taong nakasabay mo sa iyong pagbibisikleta!