Monday, September 7, 2009

Ulan

Umuulan na naman.

Minsan, sa bawat patak na nanggagaling sa pagbuhos ng ulan, hinihiling kong...sana, huwag nang tumigil ang pagbuhos ng ulan. Sana, wala na lang katapusan ang bawat pagpatak ng tubig na nanggagaling mula sa kalangitan. Para kung sa gayon, nararamdaman kong nariyan ka pa rin, kahit na sa pamamagitan lang ng ulan.

Malakas ang ulan nun. Pareho tayong basang sisiw na naglalakad sa North Ave. habang naghahanap ng masasakyang taxi pauwi. Birthday ko nun, at ikaw ang ninais kong makasama sa espesyal na araw na iyon. Nalimutan nating magdala ng payong. Pero ayos lang, kapwa namang hindi napawi ang mga ngiti sa ating mga labi.

Malakas ang ulan nun. Bigla mo na lang hinablot ang aking payong at nakisilong dito. Kakababa ko lang sa jeep nun, at kakagaling mo lang pala sa isang kaibigan malapit sa aming tinitirhan. Epal ka nun, sana ikaw lang ang nabasa, pero dinamay mo ako sa iyong kabalastugan. Pero ayos lang, tumagal pa tayo ng ilang oras para makapag-usap bago ka nakasakay at nakauwi.

Malakas ang ulan nun. At malakas din ang pagkalam ng ating tiyan nun. Kakatapos lang ng ating training sa basketbol, at nagkayayaan tayong kumain ng isaw malapit sa sakayan. Naubos ata natin ang tinda ni manong nun, kasabay ng pagkaubos ng pera ko sa aking wallet. Hindi naman kita matitiis eh, kaya napilitan akong ilibre ka. Pero ayos lang, sobrang nabusog naman ang aking puso sa mga oras na iyon.

Napakalakas ng ulan nun. Sobra, iyon na ata ang pinakamalakas na ulang nasaksihan nating dalawa. Hindi ko maintindihan kung bakit iba ka nung mga oras na iyon. Sinubukan kitang kausapin, pero tila natangay ng hangin ang nais kong ito. Iba ka sa oras na iyon. Ewan, magulo.

Hinayaan kong lumipas ang araw na iyon. Nagbakasakali akong babalik ka rin sa dati - yung dating ikaw na masayang kasama, yung ikaw na masiyahin at mapagkalinga. Pero nagkamali ako. Iyon na pala ang simula ng iyong pagbabago. At unti-unti mong natutunang sa aki'y dumistansya.

At ngayong walang patid ang pagbuhos ng ulan, gayong walang patid din ang aking pag-asang darating din ang araw na tayong dalawa - panunuorin natin ang bawat pagpatak ng ulang minsan nating pinagsaluhan, sa lungkot man o ligaya.