Monday, September 7, 2009

Ulan

Umuulan na naman.

Minsan, sa bawat patak na nanggagaling sa pagbuhos ng ulan, hinihiling kong...sana, huwag nang tumigil ang pagbuhos ng ulan. Sana, wala na lang katapusan ang bawat pagpatak ng tubig na nanggagaling mula sa kalangitan. Para kung sa gayon, nararamdaman kong nariyan ka pa rin, kahit na sa pamamagitan lang ng ulan.

Malakas ang ulan nun. Pareho tayong basang sisiw na naglalakad sa North Ave. habang naghahanap ng masasakyang taxi pauwi. Birthday ko nun, at ikaw ang ninais kong makasama sa espesyal na araw na iyon. Nalimutan nating magdala ng payong. Pero ayos lang, kapwa namang hindi napawi ang mga ngiti sa ating mga labi.

Malakas ang ulan nun. Bigla mo na lang hinablot ang aking payong at nakisilong dito. Kakababa ko lang sa jeep nun, at kakagaling mo lang pala sa isang kaibigan malapit sa aming tinitirhan. Epal ka nun, sana ikaw lang ang nabasa, pero dinamay mo ako sa iyong kabalastugan. Pero ayos lang, tumagal pa tayo ng ilang oras para makapag-usap bago ka nakasakay at nakauwi.

Malakas ang ulan nun. At malakas din ang pagkalam ng ating tiyan nun. Kakatapos lang ng ating training sa basketbol, at nagkayayaan tayong kumain ng isaw malapit sa sakayan. Naubos ata natin ang tinda ni manong nun, kasabay ng pagkaubos ng pera ko sa aking wallet. Hindi naman kita matitiis eh, kaya napilitan akong ilibre ka. Pero ayos lang, sobrang nabusog naman ang aking puso sa mga oras na iyon.

Napakalakas ng ulan nun. Sobra, iyon na ata ang pinakamalakas na ulang nasaksihan nating dalawa. Hindi ko maintindihan kung bakit iba ka nung mga oras na iyon. Sinubukan kitang kausapin, pero tila natangay ng hangin ang nais kong ito. Iba ka sa oras na iyon. Ewan, magulo.

Hinayaan kong lumipas ang araw na iyon. Nagbakasakali akong babalik ka rin sa dati - yung dating ikaw na masayang kasama, yung ikaw na masiyahin at mapagkalinga. Pero nagkamali ako. Iyon na pala ang simula ng iyong pagbabago. At unti-unti mong natutunang sa aki'y dumistansya.

At ngayong walang patid ang pagbuhos ng ulan, gayong walang patid din ang aking pag-asang darating din ang araw na tayong dalawa - panunuorin natin ang bawat pagpatak ng ulang minsan nating pinagsaluhan, sa lungkot man o ligaya.

Thursday, August 20, 2009

Bisikleta

Sa apat na taong pagkakakilala natin sa isa't isa, apat na taong pagkukulitan at pagtawa, apat na taong pag-iiyakan at tampuhan, apat na taong pagsasama at pakikipagkaibigan, natutunan ko nang sumakay sa iyong bisikleta.

Iba ang pakiramdam sa tuwing pinagmamasdan kita. Para bang hindi ako mapapagod na ipako ang aking tingin sa mga mata mong nakasisilaw ang kislap at sa mga labi mong tila langit kung madampian. Sa tuwing magkasama tayong dalawa, hindi ko maiwasang pangarapin na sana, ako na lang ang taong kasama mo sa bawat araw ng iyong buhay, yung taong nakapagpapasaya sa'yo, yung nag-iisang dahilan ng ngiti sa iyong labi at kislap sa iyong mga mata, yung taong kinukuhanan mo ng lakas at inspirasyon sa bawat pagsubok sa iyong pagdaan, yung taong espesyal sa iyo...yung taong mahal mo. Sana, ako na lang ang angkas-angkas mo sa iyong bisikleta. Sana.

Sinubukan kong sakyan ang bisikletang inakala kong makapagbibigay ng kilig sa iyong buhay. Sinubukan ko, ngunit "nasemplang" ako. Nasugatan ako. Ang lakas ng pagkabagsak ko. Dala ng sakit, hindi ko namalayang may mga luha na palang tumutulo sa aking mga mata. Oo, napaiyak mo ako. Nadurog mo ang puso kong bato, para sa iba. Ang lakas pala ng impact, tumilapon ako. Siguro, masyado akong nagmadali. Masyado kong binilisan ang pagtapak sa mga pedal. Nagpadalus-dalos ako sa pagmamaneho. Hindi ko naisip na hindi ka pa pala handa. O mas masakit pa, hindi ko naisip na...hindi pala ako ang taong ninais mong makasabay sa iyong bisikleta.

Mula noon, sinubukan kong bumangon mula sa pagkakadapa. Sa awa ng Diyos, kinaya ko. Tinanggap ko kahit masakit. Niyakap ko na lang ang lahat ng sakit na dinulot ng aking mapag-ambisyong puso. Sino nga ba ako para pangahasing makapiling ka. Oo nga pala, nalimot ko, hanggang magkaibigan lang pala tayo. Wala nang mas hihigit pa, hanggang magkaibigan lamang!

Nagpatuloy ang takbo ng ating mga bisikleta. Nagpatuloy ang ating pagkakaibigan at ito'y namunga sa isang matibay at matatag na pagsasama bilang matalik na magkaibigan. Ikaw ang nagpundar sa matayog at matibay na gulong bilang pundasyon, at ako naman ang naghawak sa manibela ng ating bisikleta. Ikaw ang may hawak-hawak ng busina...busina para basagin ang salamin sa pagitan nating dalawa.

Naging maganda ang takbo ng ating bisikleta. Ngunit sa isang banda, hindi natin maiwasang madaanan ang mga lubak-lubak na kalye't pasilyo.

Hindi na ako natuto. Bakit nga ba hindi ko mapigilan ang sarili kong mahalin ka, kahit na alam kong masasaktan lamang ako? Baliw nga talaga si Cupido. Sa kabila nito, nagagawa ko namang higpitan ang hawak sa manibela, at kung sadyang malubak ang daanan nating dalawa, tinotodo ko ang pagpreno sa ating bisikleta. Ikaw naman ang humaharurot sa pagbusina upang basagin ang kung ano mang sa tingin mo ay hindi tama sa ating dalawa.

Sa ngayon, masasabi kong nalagpasan na natin ang mga kalubakan. Masasabi kong maayos na ang takbo ng ating bisikleta - walang lubak, diretso at hindi paliu-liko, may mga "humps" man ngunit sadyang matibay ang pundasyon ng ating bisikleta. Masaya ako na ako sa ganitong pwesto.

Nais ko lang ipaabot ang aking pasasalamat. Marami akong natutunan. Natutunan ko ang tamang pagsakay at pagmaneho sa bisikleta ng iba, lalo na sa sarili kong bisikleta. Salamat...salamat sa pagpapasaya, pagpapalakas, at sa pinagsamahan nating dalawa. Sana ay hindi mo malimot na sa bandang sulok ng iyong paglalakbay, ako yung taong nakasabay mo sa iyong pagbibisikleta!

Thursday, May 21, 2009

Pag-ibig sa Murang Edad

Paunawa: Ang mga sumusunod ay pawang obserbasyon lamang. Ang may-akdang si Popoy ay walang intensyong saktan o tapakan ang iba. Ang guilty, kukunin ni Lord.

Oh! Ang pag-ibig nga naman. Walang pinipili. Pero, pag-ibig nga ba?

Nakakatawang isipin na sa murang edad ay marami nang pumapasok sa isang relasyon sa opposite sex. Hayaan ninyong ipakilala ko sila sa inyo:

1. Ang mag-bes/bhezt. Sila yung tipong kunyari ay mag-best friends pero ang totoo, gusto ang isa't isa. Kumbaga, bago maging sila, kailangan muna maging mag-bes sila (kahit sa pangalan lang). At kapag naka-isang linggo na silang mag-bes, mababalitaan mo na lang na sila na pala.

2. Gusto na rin kita para fair. Heto naman yung mga nagtetake ng advantage. Dahil may isang nagkakagusto sa kanya, gugustuhin na rin nya iyon para lang maipagmayabang na may girlfriend o boyfriend na siya. At para 'di siya mapag-iwanan ng mundo kung saan hindi "in" ang walang karelasyon.

3. Kunyari, mahal. Madalas 'to sa mga lalaki. Kunyari mahal nila yung mga babae. Pero ang totoo talaga, ang hanap lang nila dito ay iyong maikama ang babae (minsan kukunan pa ng video coverage para maipagmayabang sa iba). Heto namang si babae, may pagkatanga dahil nagpakagat kay kay Taning.

4. Collect and Select. Kadalasan ulit ito sa mga lalaki. Yung mga timer ba. Susuyuin ang dalawa/tatlo (o minsan apat pa kapag tuso si lalaki) para magkaroon siya ng maraming girlfriend at maipagmayabang sa iba. Para kasi sa mga lalaki (pero 'di lahat), isang achievement kapag napagsabay mo ang mga girlfriend mo. O diba? Pero 'di ganyan si Popoy.

5. Asa ka. Heto naman yung mga nagpapaasa type. Nagpapakita ng motibo na gusto niya ang isang tao dahil alam niyang gusto din siya nito. Pero sa totoo lang, pinapaasa lang niya ito. Magandang libangan ito sa mga walang magawa.

6. Sugar Mommy. Talamak na ang ganitong modus operandi lalo na sa showbiz. Since pag-ibig sa murang edad ang pinag-uusapan natin, may mga tipong ang gusto lang ang iyong kayamanan o materyal na bagay.

O hayan, medyo marami na akong naibigay. Ngunit iilan lamang yan sa pagkadami-daming nakalista sa listahan.

Hindi naman dapat ikahiya ang pagiging single, lalo pa't bata ka pa lang. Kung tutuusin, hindi gawain ng isang propesyonal at properly-bred na indibidwal ang pakikipagrelasyon sa murang edad pa lamang.

P.S. Nagka-girlfriend na rin si Popoy. Pero isa pa lang yung sineryoso niyang talaga. :)

Wednesday, May 20, 2009

PARA SA MGA MALULUPIT

Setting: Sa LRT pa rin, umaga, papuntang Vito Cruz para sa isang nakapupudpod-utak na namang araw.

As usual, nakatayo pa rin ako at nakamasid sa labas. Habang nakatingin sa mga nadadaanang kalye at nag-iisip kung saan manananghalian pagkatapos ng review, nabulabog ako. Tumaas ang mga balihibo ko. Kinabahan ako. Natakot. Parang may humimas kasi sa kamay ko. Kaya agad naman akong lumingon. At confirmed, may pangahas ngang humimas sa kamay ko.

At hindi lang yun: bading siya. Oo, bakla.

Hindi ko na sinayang ang oras ko. Binigyan ko na lamang siya ng isang malagkit na tingin na nagsasabing, "Kuya/Ate, 'wag po. May takot po ako sa mga katulad niyo." Akala ko, makukuha ko siya sa ganoong paraan. Pero hindi! !@#$%$#@#!! Mas lalo pang lumala ang mga pangyayare nang dumami ang pasahero. Siksikan. Ang pasimpleng paghimas ng kamay, napunta sa bewang, pero napansin niya sigurong nahahalata ko na siya at naiinis na ako sa bawat pasimpleng chansing niya kaya inihinto na niya ang kanyang nakadidiring modus operandi.

Sa tuwing maaalala ko ang nakakatawa/nakakadiri/nakakainis na pangyayaring ito, lagi kong iniisip ang mga homosexual (tulad ng suspek sa taas) sa ating lipunan.

Minsan, iniisip ko kung ano ang nararamdaman nila. May sarili silang mundo na mahirap pasukin. Immune na siguro sila sa mga pang-aasar, panglalait, at maging sa pagbatikos ng KARAMIHAN.

May mga kaibigan din akong katulad nila. At kadalasan, sila talaga ang nagiging tumpulan ng tukso at pang-aasar. Minsan, ako pa ang naaasar kapag minamata at niyuyurakan ang kanilang pagkatao.

"What's wrong with being gay?", ani ni Bebe Gandanghari nang ilantad niya ang hubad na katotohanan. Pero kung ako ang tatanungin, oo nga naman. Ano bang mali sa pagiging Homosexual? Kailan nga ba naging kasalanan ang magmahal? Ginusto ba nilang magkaganoon ang mga pangyayari? Hindi. Sadyang mapaglaro lang talaga ang tadhana.

Bading, bakla, bayot, charot, homosexual, binabae, silahis, biniboy, salot, gay, vaklush, tomboy, tibo, binalalaki, lesbian, lesbyana, etc., kahit ano pang ibansag o ipang-insulto mo sa kanila, tao pa rin sila...mga taong nangangailangan din ng kaukulang respeto at dignidad katulad ng sa mga tunay na Adan at Eba. Hindi sila mga hayop na pwedeng yurakan, baboy na pwedeng alipustahin. Tao sila. Ginawa sila ng Diyos...gaya mo.

Hanggang sa muli.

Tuesday, May 19, 2009

Sa LRT

LRT Stations



Nitong mga nakalipas na araw, madalas akong wala sa bahay. Subsob sa pagrereview, hindi alam kung may kabuluhan ba ang ginagawa. Hayaan ninyong maibahagi ko sa inyo ang iba't ibang mukhang madalas tumatambad sa aking mga mata.

Sa LRT (labas). Unang-una yan. Pagkababa mo palang ng sasakyan sa tapat ng KFC, tatambad na sa iyo ang pagkahaba-habang pila para sa inspeksyon. Tapos ang sunod sa eksena ay yung mga namimigay ng dyaryo sa umaga. Isang beses lang ata ako kumuha ng dyaryo at dahil yun sa laki kong pagkagulat sa front page-"Aling Dionisia, pinagkaguluhan sa Tate". Sunod dyan ay yung pag-unahan ng mga pasaherong makabili ng ticket pra di maiwan nung tren. Swerte ko nalang at may card ako kaya 'di ko na kailangang bumili.

Sa LRT (loob). Ayokong umuupo ako kapag nasa loob na ako. Bukod sa siksikan ang mga tao, instant halu-halo na rin ang amoy. Kaya madalas akong nakapuwesto dun sa sliding door para magmasid. Habang umaandar ang tren, madidinig mo ang operator: "Paalala lamang po sa mga pasahero, humawak pong mabuti sa mga safety handrails, iwasan po ang pagsandal sa magkabilang pinto ng tren at paghawak sa mga emergency devices, at pag-ingatan po ang gamit lalo na ang magnetic card na gagamitin sa paglabas ng istasyon. Maraming Salamat. Magandang Uma---ga! Next Station: 5th Ave. Ayan, kabisado ko na.

5th Ave. Napansin ko ang isang mama na may ubo. At may laman ang kanyang ubo. Nagsimula na akong mairita nang mismo sa likod ng ulo ko siya umubo at hindi man lang tinakipan ang bibig. Mas lumala pa ang mga pangyayari ng huminto ang tren sa susunod na istasyon.

R. Papa. Pagkabukas ng pinto, pinapasok muna niya ang mga sasakay, sunod ay tingin sa kaliwa't kanan, sabay dura ng malapot na likido galing sa kanyang bibig. Sabay baba ng tren.

Abad Santos. Napagod ako. Kaya minabuti kong umupo muna sandali at basahin ang dyaryong kinuha ko.

Blumentritt. May isang lalaking Koreano (pero di siya ganun kagwapo) ang napatapat sa akin. Sa aking ispekulasyon, nakainom ang sintu-sinto. Nang magsimulang umandar ang tren, may konting pagkagulat na nangyari, sabay hawak sa poste, habang nakatapak sa bago kong sapatos pero napansin naman niya yun kaya agad din niyang inalis ang kanyang paa.

Tayuman. Napansin ko ang isang babaeng kakasakay pa lamang. Sa di sinasadyang pangyayari, naapakan niya ng naka-12 inch heels na isa bang babae, dahilan para madapa ito at pagtawanan (pasikreto) ng iba. Dun na nagsimula ang Cold War. "Ay, ano ba yan. Tumingin ka nga sa tatapakan mo. Buset," sabi ng biktima. Pasigaw, "Eh tarantado ka pala eh. Alam mong siksikan dito tapos nagawa mo pang magreklamo. @#^%*8*!," ang reply ng suspek. Buti na lang atagad itong naaksyunan ng babaeng guard at pareho silang pinababa sa istasyon.

Bambang, D. Jose, Carriedo, Central, at UN. Mga istasyong madalas akong tulog kaya walang alam sa kung anuman ang nangyayari sa paligid. Ang alam ko lang lagi kapag nandito ang tren-"Malayo pa."

Pedro Gil. Dito kami laging natatawa ng mga kasama ko sa tuwing madadaan namin ang PWU (Philippine Women's University). Kapag nadadaanan namin ang unibersidad na ito, madalas kaming tatawa ng malakas. Hindi kami mga baliw. Sadyang malakas lang ang trip dahil tatambad sa iyo ang pagkalaki-laking tarpaulin ni Boy Abunda bilang isa sa mga Outstanding Alumni ng nasabing paaralan. O diba, nakakatawa naman talaga kung bababawan mo ang iyong pag-iisip. :)

Quirino. Ang eksena, may isang Kano na nakikipag-usap sa isang bading. Tila sila bulubundukin at karagatan yata ang pagitan nila sa isa't isa dahil sa lakas ng kanilang pag-uusap. Siyempre, sino ba ang pinoy na hindi proud na magaling siyang mag-ingles? "How do you fine Filipins?," tanong ng bading. "Oh, one word! Beautiful!," ang sagot naman ng Kano. Nagpatuloy ang kanilang pag-uusap, dahilan para maging center of attraction sa buong tren. Di nagtagal, bumaba din ang bading sa Vito Cruz at maayos na nagpaalam sa Kano. "Nice meeting you!," sabay baba ang bading. Pagkababa nung bading at nang nakita nung Kano ung sign board na Vito Cruz, "Oh Vito Cruz! This my destination, too." Nagtawanan naman ang mga naroroon na nakarinig sa kanya. "Naku, magkakilala un. O baka sinundan yung bading!," sabi ng isang lalaki sa likod ko.

Hanggang sa muli.